TALE

Ayon sa kasaysayan ng mga ninuno, may mag-asawang mahirap ang buhay na naninirahan sa bundok. Ang mag-asawang ito ay may isang anak na lalaki na pinangalanang Caneneo. Sapul sa pagkabata itong kanilang anak ay may katutubong talino, lakas, pagkamasunurin at paladasal, subali't napakaraming kumain. Kahit na katulung-tulong nila ang batang ito sa kanilang mga gawain ay hindi pasisiyahan ang mag-asawa, dahil sa kalakasan at karamihang kumain.

Isang araw ang ama ay pumunta sa dagat upang manghuli ng isda at sumama ang anak. Sa kabutihang palad siya ay nakahuli ng malaking isda. Dahil sa kalakihan ng isda hindi kayang buhatin ng ama iyon kaya't iniutos sa anak na sisirin sa pusod ng dagat upang makuha ang isda. Habang sumisisid ang anak ay tuloy-tuloy na umalis ang tatay sa akalang hindi makalutang ang anak. Hindi pa halos nakararating ang ama sa bahay ay kasunod na niya si Caneneo at dala ang pagkalaki-laking isda. Galit na galit ang mag-asawa dahil dumating pang muli ang anak.

Nang sumunod na araw, isinama ng ama si Caneneo sa pagpunta sa malayong bundok upang kumuha ng kahoy na gagawing bahay. Inutusan ng ama na putulin ang isang puno ng kahoy na napakalaki at ng malapit na matumba iniutos na tumapat ang anak sa mabubuwal na kahoy. Palibhasa'y masunuring anak tumapat nga ito sa mabubuwal na kahoy. Tuwang-tuwa ang tatay dahil natumbahan ng kahoy ang anak umuwi siyang dali-dali at sinabi sa asawa "Patay na ang ating anak. Wala na tayong pakainin." At dali-daling pinaluto ang asawa.

Hindi pa halos naluluto ang sinaing ay narito na si Caneneo at ang sabi, "Itay, narito na po ang kahoy, saan ko po ilalagay ito?"

Nalungkot na naman ang mag-asawa, hanggang isang araw ay pinalayas na si Caneneo at itinakwil ng kanyang mga magulang, ngunit kahit na siya'y pinalayas ay hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Lalo niyang pinagtibay ang pananampalataya sa Poong Maykapal. Doon siya ipinadpad ng kapalaran sa tabi ng tubig na kung tawagin ay Makapatay-ahas. Wala siyang gawa doon kundi magtawid ng mga tao upang tumungo sa kabilang pampang.

Isang araw, palibhasa'y may tiwala siya sa Panginoong Diyos, siya'y sinubok ng Poong Maykapal upang gawing isang santo. Doon ay nag-anyong bata si Ni�o Jesus. Nagpatawid sa kanya sa kabila ng pampang upang bumili ng suka. Nang malapit na siya sa kabilang pampang, napatigil siya at napatingin sa bata. Hindi siya makalakad dahil sa bigat ng dala at siya ay napakapit sa puno ng pugahan. Siya ay nagtanong, "Sino ka ba? Ang liit-liit mong bata pero ang bigat-bigat mo."

Sinagot siya nito at ang sabi, "Ako si Kristo na may dalang mundo. Kaya mula ngayon dahil sa ginagawa mong kabutihan simula ng ikaw ay isilang ay magiging Santo ka at ang pangalan mong Caneneo ay papalitan ko ng San Cristobal."

At dito nagmula ang pangalan ng nayon ng San Cristobal, na nasa paa ng bundok na pinangyarihan ng kasaysayang ito.

No comments:

Post a Comment